Monday, October 06, 2008

Pagpapaubaya

Nasa isang panayam ako kahapon ukol kay Meister Eckhart. Naala-ala kong isa siya sa mga natipuhan kong pilosopong medioebal dahil siguro sa kanyang nakaka-antig na pagtalakay sa kawalan (nothingness) na may bahid ng pagka-Heidegger. Bukod sa isang biglang pagtalikod sa metapisika ni Tomas de Aquino at sa tradisyon ni Agustin, may paglundag at paglusot (Durbursch) si Eckhart lampas sa layunin ng medioebal.

Totoong meron tayong konsepto ukol sa Diyos. Marami tayong simbolo, imahen, analohiya ukol sa Diyos. Tatay, kaibigan, kapatid. Takbuhan, silungan, moog. Pastol, guro, gabay. Samut sari rin ng hierophania na mararanasan sa karanasang Katoliko, maging sa karanasang Protestante at Muslim. Sa panahong medioebal, buhay na buhay ang pagmumunimuni upang tukuyin, bigyang anyo, isa-konsepto ang Diyos. Meron ubod-tigib-apaw, merong existentia et essentia, merong aliquid nihil cogitari possit, merong via negativa et positiva, merong ubod ng kabutihan, merong ubod ng katarungan, merong pinakamaganda sa lahat. Maari nating ihanay ito lahat at bigyan ng pamagat - "mga pagsisikap ng tao."

Nag-aapuhap upang gawing makahulugan ang dilim. Nangangapa ang isip at baka may masumpungan. Meron nga. Ang dami! Pero nanatili ang Diyos lampas sa lahat ng pag-aapuhap at pangangapa ng tao. Lahat ng paglalarawan sa Diyos ay pagsisikap ng tao na dalhin ang Diyos sa kanyang nibel. Imposible.

At nasumpungan ... mga anino sa karimlan.

Kay Eckhart, bitawan ang lahat na pag-aapuhap at pangangapa. Ipaubaya sa Diyos ang lahat na konsepto sa isip. Ibasura ang lahat na natagpuang pangalan at tawag, lahat na analohiya at pagsisikap unawain. Sapagkat lampas sa pag-uunawa sa mga anino ang Diyos.

At pagkatapos na ipinatapon lahat ng ating konsepto ukol sa Diyos, dalisayin ang sarili. Linisan. At kailangang lumundag sa bangin (eternal abyss). Magpatihulog. Walang makakapa, walang masumpungan. Wala.

Walang maapuhap.

Walang makakaunawa.

Wala pa rin.

Walang hangganang paghulog.

Walang hangganang pagpapaubaya...

ng sarili sa Diyos.

yan ang tunay na pagsuko ng sarili

BANGIN NA WALANG HANGGAN ANG DIYOS.

1 Comments:

At January 24, 2010 at 1:58 AM, Anonymous raf_d said...

Salamat sa artikulong ito. Inaanyayahan ka namin na sumapi sa isang bagong samahan ng mga guro at dalubhasa sa panahong medyebal, ang Phil Society of Medieval Studies. Matatagpuan mo ang aming webpage sa http://medievalstudies.multiply.com.

 

Post a Comment

<< Home